Mula Setyembre 16, 2021, isinailalim na sa Alert Level 4 ang Metro Manila. Ang bagong sistemang ito ay bunsod ng pagtatangka ng gobyerno na palitan ang mga lockdown sa buong rehiyon ng mga granular lockdown, kung saan inilalagay ang mas maliit na mga lugar sa ilalim ng mas mahigpit na mga restriction.
Ang mga indibidwal na bahay, gusali ng tirahan, kalye, purok, subdivision, nayon, at mga barangay ay maaaring mailagay sa ilalim ng granular lockdown. Ang mga yunit ng lokal na pamahalaan at ang kagawaran ng kapakanan ng lipunan ang siyang mangangasiwa sa pagbibigay ng tulong at mga pangunahing pangangailangan sa mga apektadong sambahayan.
Ang hakbang na ito ay may layuning mapanatili ang pagpapatakbo ng ating ekonomiya habang tinitiyak ang kaligtasan ng publiko mula sa panganib na dulot ng COVID-19.
Kaugnay nito, inatasan na ng pamunuan ng pambansang pulisya ang mga kapulisan upang magpatuloy sa pagpapatupad ng minimum public health safety standards at quarantine protocols.
Hinihingi naman ng hanay ng pambansang pulisya ang tulong at kooperasyon ng publiko upang matiyak ang tagumpay ng mga bagong hakbang at sistema ng quarantine restriction sa pamamagitan ng pag-iingat at pag-alala sa kanilang sariling proteksyon mula sa COVID-19.
Ang mahigpit na pagsunod sa minimum health standards at iba pang mga hakbang kasama ang curfew at mga pag-iwas sa mga hindi importanteng biyahe o paglalakbay ay hindi lamang ang unang linya ng depensa laban sa impeksyon ngunit isang pagpapakita ng respeto sa mga sumusunod sa mga patakaran at pagpapakita ng paggalang at pasasalamat sa mga healthworker na nasa harap ng ating laban kontra sa pandemya nang higit sa isang taon ngayon.
Naniniwala ang inyong pambansang pulisya na ang patuloy na pagsuway ng ilan nating kababayan ay isa sa mga dahilan ng pagtaas ng kaso kaya hinihikayat natin ang ating mga kababayan na isa-puso ang mga alintuntuning ito kasama ang pagrespeto sa mas maraming bilang ng mga Pilipino na sumusunod sa mga patarakan at ang pagbibigay ng malasakit sa ating mga healthcare workers na bugbog na sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID.
Kakayanin natin ito sapagkat subok na natin ang bayanihan at pagtutulungan ng bawat Pilipino ngayong panahon ng krisis sa kalusugan. Ang pagtutulungan natin upang makapag-abot ng tulong sa ating mga kababayan na lubos na naapektuhan ng pandemya ay siya ring pagtutulungan natin upang maiwasan ang makapitan ng virus at hindi makadagdag pa sa numero ng mga magpopositibo sa COVID-19.
Naniniwala din ang inyong PNP na sa ating pagtutulungan, mas mabilis nating makakamit ang ating adhikain na mapagtagumpayan ang ating laban sa COVID-19.