Legazpi City – Pormal ng inilunsad ng Police Regional Office 5 ang Kick-off Ceremony sa pagdiriwang ng 2023 National Women’s Month na may temang “WE for Gender Equality and Inclusive Society” nito lamang Marso 1, 2023.
Nagsimula ang aktibidad sa Peñaranda Park, Legazpi City sa pamamagitan ng pag-aalay ng banal na mesa na pinangunahan ni Rev. Fr. PCol Ronilo A Datu, RPO5 at aktibong nilahukan ng mga kababaihan mula sa iba’t ibang ahensya ng Pamahalaan sa rehiyong Bicol.
Sinundan ito ng Juana Walk patungong Camp BGen Simeon A Ola na kung saan nagkaroon ng Zumba Dance upang isulong ang malusog at aktibong pamumuhay para sa mga kababaihan.
Nagpahayag naman ng pagsuporta at paghanga sa mga kontribusyon ng kababaihan sa kaunlaran ng komunidad ang bagong talagang Regional Director ng PRO5 na si PBGen Westrimundo B Obinque.
Lumahok din sa naturang aktibidad ang mga babaeng tauhan ng Regional Police Community Affairs and Development Unit 5 sa pangunguna ni PLtCol Brenda O Garcia, upang makiisa sa mga adhikain at programa para sa mga kababaihan.
Ang nasabing aktibidad ay naglalayong isulong ang kamalayan at suporta para sa pagkakapantay-pantay ng kasarian, wakasan ang diskriminasyon laban sa kababaihan at pagpapalakas ng partisipasyon ng mga kababaihan sa bansa.