Manila – Binawi ng diumanoy drug lord na si Rolan “Kerwin” E. Espinosa ang kanyang testimonya na nagkaroon sila ng transaksyon ng ilegal na droga ni Sen. Leila M. De Lima batay sa kanyang apat na pahinang counter-affidavit na isinumite ng kanyang kampo kahapon, ika-28 ng Abril 2022, sa Department of Justice (DOJ).
Ayon sa counter-affidavit, saad ni Espinosa na (lahat ng kanyang pahayag na ibinigay sa isinagawang Senate hearing at mga sworn written affidavits laban kay Senador De Lima ay pawang walang katotohanan) “any and all of my statements given during the Senate hearings, or in the form of sworn written affidavits, against Senator De Lima are not true.”
Ayon kay Espinosa, ang kanyang pagbibigay niya ng pahayag ay bunga lamang ng panggigipit, pamimilit, pananakot at banta sa kanyang buhay at kanyang pamilya.
Kasalukuyang nakapiit sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Espinosa sa Complaint na inihain sa kanya ng National Bureau of Investigation (NBI) kasama ang iba pang 27 na katao sa paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 9160 o ang Anti-Money Laundering Act of 2001 dahil sa diumano’y pagbebenta at iba pang transaksyon ng ilegal na droga sa iba pang drug lords sa loob ng bilangguan mula noong 2011 hanggang 2016.
Samantala, kumpiyansa naman si Prosecutor General Benedicto A. Malcontento na nagpahayag ng kanyang saloobin na hindi makakaapekto ang aksyon ni Espinosa sa mga kasong kinakaharap ni Sen. De Lima.
Ayon naman sa tagapagsalita ng Philippine National Police na si Police Brigadier General Roderick Augustus Alba, ang PNP ay hindi pa nakakatanggap ng naturang kopya ng counter-affidavit ni Espinosa.
Ayon pa kay PBGen Alba, ang PNP ay nananatiling tapat sa pangangalap ng katotohanan sa lahat ng kaso subalit ang kaso [Espinosa] ay nasa hurisdiksyon na ng korte kung kaya’t ang tanging magagawa natin ay magtiwala sa ating sistemang pangkatarungan.
Gayunpaman, handa ang PNP upang magsagawa ng sariling imbestigasyon sa ngalan ng hustisya.
###