Patuloy ang pagtutok ng Philippine National Police (PNP) sa kaso ng pagpaslang kay beteranong mamamahayag at dating alkalde ng Kalibo na si Juan “Johnny” Dayang. Ang insidente ay naganap noong Abril 29, 2025, sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Kalibo, Aklan, at labis na ikinabigla ng sambayanang Pilipino.
Si Dayang, 89 taong gulang at kasalukuyang Pangulo ng Publishers Association of the Philippines Inc. (PAPI), ay kinikilala bilang isang haligi ng malayang pamamahayag sa bansa. Habang nanonood ng telebisyon, siya ay binaril ng hindi pa nakikilalang salarin na agad tumakas matapos isagawa ang krimen. Idineklarang dead on arrival si Dayang sa ospital matapos magtamo ng mga tama ng bala.
Mahigpit ang koordinasyon ng PNP sa Presidential Task Force on Media Security at iba pang ahensyang nagsasagawa ng imbestigasyon upang agad na matukoy at madakip ang salarin sa likod ng karumal-dumal na krimen.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, puspusan ang ginagawang imbestigasyon upang mapanagot ang responsable sa pagpaslang. Kabilang sa mga ipinakalat na yunit ay ang PNP Media Vanguards, isang grupong nakatuon sa seguridad at kapakanan ng mga mamamahayag.
“Makakaasa po ang publiko, lalo na ang mga kaanak at mahal sa buhay ni Manong Johnny, ng agarang hustisya. Hindi po natin pahihintulutan ang pag-iral ng karahasan laban sa mga mamamahayag sa ating bansa,” ani Chief PNP Marbil.
Hinimok ng PNP ang publiko na tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyon na maaaring makatulong sa pagtukoy sa suspek. Tiniyak din nila ang proteksyon at seguridad ng mga testigong makikipagtulungan sa imbestigasyon.