Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City – Ginawaran ng parangal ang mga pulis na may natatanging pagganap sa kanilang tungkulin kasabay ng lingguhang Flag Raising Ceremony ngayong Lunes, ika-13 ng Hunyo 2022 sa PNP National Headquarters, Kampo Crame, Quezon City.
Personal na iginawad ng pamunuan ng Pambansang Pulisya sa pangunguna ni Police Lieutenant General Vicente D. Danao, Jr., Officer-in-Charge, PNP, kasama sina PLtGen Rhodel O. Sermonia, The Deputy Chief for Administration; PLtGen Manuel M. Abu, The Deputy Chief of Directorial Staff; at Inspector General Atty. Alfegar M. Triambulo ng PNP Internal Affairs Service.
Pinarangalan ng Medalya ng Kabayanihan si Police Corporal Jose Manuel R. Bana-ay ng Police Regional Office 6 dahil sa kagitingan at kabayanihang ipinamalas niya bilang driver ng Extraction Team ng 602nd Maneuver Company ng Regional Maneuver Force Battalion 6 nang tambangan ng rebeldeng New People’s Army ang sasakyan na kanyang minamaneho lulan ang operating troops patungong Brgy. Bolo sa bayan ng Maasin, Iloilo noong ika-24 ng Nobyembre 2017 na nagresulta sa kaligtasan ng buhay ng bawat isa nang magkaroon ng harapan ang tropa ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army at ng rebeldeng NPA.
Ginawaran naman ng Medalya ng Kadakilaan si Patrolman Rafael B. Jazmin ng Aviation Security Group dahil sa kadakilaang ginawa niya na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek na nagnakaw sa kanya sa Sitio Pugad, Brgy. Tatalon sa bayan ng Binangonan, Rizal noong ika-30 ng Mayo 2022 kung saan nakuha sa mga suspek ang isang 9mm pistol, siyam na live ammunition at dalawang kutsilyo.
Samantala, Medalya ng Papuri naman ang tinanggap nina Police Major Roberto M. Papa, Police Senior Master Sergeant Jonathan L. Aparejado at PSMS Romel L. Baldos bilang mga operatiba ng AVSEU-NCR sa ginawang PNP-NAIA-PDEA controlled delivery operation na nagresulta sa pagkakadakip sa isang tulak ng pinagbabawal na droga sa Brgy. Cofragia, Malolos City, Bulacan na kung saan ay narekober ang 1,092 na gramo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa water purifier mula sa Vientiane sa bansang Laos na nagkakahalaga ng Php7,425,600.
Pinuri at binati ni PLtGen Danao, Jr. ang mga pinarangalang tagapagpatupad ng batas at hinimok pa ang bawat miyembro ng Pambansang Pulisya ng Pilinas na maging isang huwarang pulis – isang pulis na laging nagbibigay ng serbisyong tama; isang pulis na may takot sa Diyos; isang pulis na tapat sa kanyang panunungkulan; isang pulis na may tapang sa mga lumalabag sa batas; at isang pulis na may malasakit sa buong sambayanang Pilipino.
###
Panulat ni Patrolman Noel S. Lopez