Nagresulta sa pagkakaaresto kay Jordge Cocoy Agudez alyas “Boljak”, kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG), sa ikinasang Operation Phantom ng 3rd Special Action Battalion, Philippine National Police-Special Action Force (SAF) sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal noong Nobyembre 5, 2021.
Si Agudez, 26 anyos, residente ng Sitio Ilas, Barangay Puray, Montalban, ay kinikilalang miyembro ng KLG Narciso, SRMA 4A.
Dinakip ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Frustrated Murder at Arson with Robbery.
Batay sa report, matapos masangkot sa maraming krimen, si Agudez ay nagtago sa batas magmula noong 2019.
Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pakikipagtulungan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Rizal at Provincial Intelligence Team, Regional Intelligence Unit-Rizal.
Ang pagkakadakip kay Agudez ay patunay na ang Teroristang Grupo sa lalawigan ng Rizal ay humihina na.
“Nananawagan ako sa mga natitira pang miyembro ng CTGs na kusang magbalik-loob na sa pamahalaan. Mayroong E-CLIP (Enhanced Comprehensive Local Integration Program) ang gobyerno upang kayo’y matulungan para sa inyong pagbabagong buhay,” ani PMGen Felipe R. Natividad, SAF Director.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG-Rizal para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Source: Third Special Action Battalion, Special Action Force