Tulung-tulong ang mga kapulisan ng Batanes sa paglilinis sa iniwan na matinding pinsala ng Bagyong Julian sa buong lalawigan matapos ang halos isang buong araw na pananalasa nitong Setyembre 30, 2024.
Madaling araw pa lang ay naramdaman na ang malalakas na hangin at walang humpay na ulan, na nagresulta sa malawakang pagkasira sa mga kabahayan, gusali, at agrikultura.
Ngayong umaga, nagsagawa ng malawakang paglilinis ang kapulisan ng Batanes, katuwang ang iba pang unipormadong tauhan ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at mga boluntaryo sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) upang mapabilis ang paglilinis ng mga pangunahing kalsada, partikular na ang mga ginagamit ng mga emergency vehicle at malalaking sasakyan.
Aktibo rin ang mga residente sa paglilinis ng kanilang mga tahanan at paligid, na nag-ambag sa mabilisang pagkolekta ng mga kalat. Sa kasalukuyan, nawalan ng kuryente ang buong probinsya at maraming poste ng kuryente ang nasira, kaya’t hindi pa ito agad na maibabalik. Tanging ang Globe Telecom at Starlink Network, kasama ang ilang lugar na may power generator gaya ng DICT, ang may komunikasyon habang walang serbisyo ang Smart.
Patunay lamang na tuloy-tuloy ang pagkakaisa ng mga kapulisan, at iba pang mga ahensya upang mabilis na maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga mamamayan sa Batanes.
Source: Batanes Police Provincial Office
Panulat ni Pat Desiree T Canceran