Camarines Norte – Hindi inalintana ang malalaking alon ng mga tauhan ng Camarines Norte Police Provincial Office para lamang makapaghatid ng tulong sa ating mga kababayan sa Isla Calaguas, Barangay Banocboc, Vinzons, Camarines Norte nito lamang Biyernes, Pebrero 24, 2023.
Ang naturang aktibidad ay tinaguriang Project AKAP o Alay sa Kabarangay ng Pulis na pinangunahan ni Police Colonel Antonio Bilon Jr, Provincial Director, katuwang ang Provincial Government ng Camarines Norte sa pangunguna ni Governor Ricarte Padilla, Provincial Health Office, LGU Vinzons, Vinzons Municipal Police Station at Camarines Norte 1st Provincial Mobile Force Company.
Masiglang sinalubong ng mga opisyales ng barangay at mga mamamayan ang grupo na pinangunahan ni Hon. Jumer Avellano, Punong Barangay.
Agad namang pinasimulan ang maikling programa na pinangunahan ng maikling panalangin.
Ang nasabing aktibidad ay kinapapalooban ng iba’t ibang serbisyo ng gobyerno tulad ng Serbisyo Caravan, Medical at Dental Mission, Operation Tuli at Outreach Program.
Labis naman na kasiyahan ang ipinaramdam ng mga residente lalo na ang mga batang nakatanggap ng serbisyo ng gobyerno.
Ang proyektong ito ay naaayon sa Peace and Security Framework ni CPNP na MKK=K o ang Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan tungo sa Kaunlaran sa pamamagitan ng Revitalized PNP KASIMBAYANAN na naglalayong pagmalasakitan ang ating mga kababayan at hindi hadlang ang hampas ng alon maihatid lamang ang tulong na kanilang kailangan.
Source: Camarines Norte PPO