Ang mga holdaper ay salot ng lipunan. Sapilitang kinukuha ang ari-arian ng isang tao at kadalasan ay gumagamit nang dahas upang tangayin ang mga bagay na kanilang gusto. Wala ring halaga sa kanila ang buhay ng kanilang kapwa tao. Materyal na bagay lamang ang mahalaga para sa kanila.
Tungkulin naman ng isang Pulis ang ipagtanggol at protektahan ang mamamayan laban sa krimen, sa mga holdaper at sa lagim na inihahasik ng terorismo. Malinaw ang misyon na ito kay Police Executive Master Sergeant (PEMS) Roel Candido, 53 anyos, may-asawa at nakatalaga sa Meisic Police Station 11 ng Manila Police District. Isang misyon na handa niyang itaya ang kanyang buhay upang ipagtanggol ang mamamayan laban sa mga kriminal.
September 19, 2020, bandang alas 5:40 ng hapon sa kahabaan ng Florentino St., Sta Cruz, Maynila, naganap ang isang pangyayari na humamon sa komitment ni PEMS Candido bilang isang alagad ng batas. Sakay ng isang kotse ang may-ari ng isang jewelry shop na si Catherine King, 43 anyos, Vibsia Caneta, 20 anyos at Sulficio Pisngot, 63 anyos nang biglang humarang sa kanilang daraanan ang isang kotseng Mirage na kulay pula. Lumabas ang tatlong lalaki mula sa sasakyan at agad na pinagbabaril ang behikulo ng tatlong biktima.
Kitang-kita ni PEMS Candido ang nagaganap na pamamaril na nagkataong nandoon din sa lugar at nakasakay sa kanyang motorsiklo. Bilang isang pulis, hindi siya nag atubili na saklolohan ang mga tinambangan. Hindi niya napansin ang mga suspek na estratehikong nakaposisyon na sa paligid. Pinagbabaril ng mga holdaper ang pulis na tinamaan sa ibat-ibang bahagi ng katawan. Umagos ang dugo ni PEMS Candido sa lansangan ng Maynila na ilang dekada niyang ipinagtanggol laban sa mga kriminal. Hindi pa nakuntento sa ginawang pamamaslang, kinuha pa ng isang holdaper ang service firearm ni PEMS Candido.
Tinangay din ng mga kriminal ang tatlong bag sa loob ng kotse na nauna nang hinarangan. Naglalaman ang mga ito ng perang kinita mula sa jewelry shop, cellular phones at mga personal na gamit. Tumakas sa direksyon ng Soler Street ang mga holdaper.
Isinugod agad sa ospital ang tatlong sakay ng kotse upang malapatan ng lunas. Naiwan sa lansangan ang bangkay ni PEMS Roel Candido, isang pulis at ama ng tahanan na naliligo sa sariling dugo. Dugo niya ang ipinanghugas sa dumi at alikabok ng aspaltadong gubat, dugong pinag-alab nang adhikaing ipagtanggol ang buhay at kapakanan ng mamamayan.
Iniwan ni PEMS Candido ang kanyang mahal na asawa at mga anak na ang tanging mayayapos na lamang ay ang walang hanggang pagmamahal ng isang ama at mga masasayang alaala nang pagkalinga at pagmamahal sa Diyos, Bayan at Pamilya.