Alas 6:30 nang umaga noon, 14 March 2005, ginulantang ang National Capital Region (NCR) nang pagtatangka ng mga bilanggo sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa na tumakas sa kanilang piitan. Ang mga kasapi ng kilabot na bandidong grupo na Abu Sayyaf ang namuno sa mga bilanggo sa jailbreak attempt matapos nilang patayin ang ilang jailguards ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Naging malawak na ang media coverage nang nagaganap na panghu-hostage ng grupo ni Galib Andang (aka Kumander Robot). Hinihingi na ng taumbayan ang agarang resolusyon ng Bicutan Crisis.
Bandang umaga ng 15 March 2005 naglunsad ng RESCUE OPERATION ang tropa ng pamahalaan upang wakasan na ang krisis at iligtas ang daan-daang bilanggo na naging hostage ng mga terorista. Ala 1:15 ng hapon, kabilang si P02 ARREOLA sa mga kasapi ng PNP-SAF na nagsagawa ng clearing operations, tinungo niya ang cell- 23 ng District Jail upang i-clear ang area. Nakita ni ARREOLA angdalawang Abu Sayyaf na armado ng pistola at nagkakanlong sa Comfort Room ng selda. Pinaputukan ng pulis ang isa sa mga terorista subalit nakipagsabayan din ng putok ang isa sa mga ito.
Tinamaan ng dalawang beses sa katawan ang magiting na pulis subalit kahit na bumagsak na ito sa semento dahil sa tama ng mga bala ay nagawa pa rin niyang gumanti ng putok sa katunggali. Nagawa pang maghagis ng granada ang terorista na bumagsak sa tabi nang naghihingalong pulis. Isang malakas na pagsabog ng granada ang tumapos sa kagitingan ni P02 Arreola.
Ayon sa ilang saksi, kahit na naghihingalo na ay nagpumilit pa rin si P02 Abel Arreola na maiharang ang kanyang katawan sa granada upang huwag matamaan ng shrapnel ang iba pa niyang kasamahan. Sa huling sandali ng kanyang buhay, kapakanan pa rin ng kanyang kapwa at mga kasamahan ang kanyang isinaalang-alang…isang katangiang pinanday at hinubog ng PNP sa katauhan ni Abel na kanyang yinakap hanggang sa huling hibla ng kanyang hininga.
Matapos ang nasabing krisis, 22 kasapi ng mga teroristang Abu Sayyaf ang na-neutralize, nailigtas naman ng PNP ang humigit kumulang sa 400 inmates samantalang isang magiting na pulis ang nag-alay ng kanyang buhay. Sa ipinamalas niyang kabayanihan, humanga ang sambayanan sa kagitingan ni P02 Abel Arreola, isang tunay na Pulis Ng Pilipino!!
####