Isabela – Narekober ng 1st Isabela Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang mga karagdagang kagamitan ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Sitio Dunoy, Barangay Dibuluan, San Mariano, Isabela noong Linggo, Mayo 7, 2023.
Nagsagawa ng special operation ang pinagsanib pwersa ng 1st Isabela PMFC sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Ruben Martinez, Force Commander; Provincial Intelligence Unit Isabela PPO; San Mariano Police Station; at 142 Special Action Company, SAF.
Nadiskubre sa nasabing operasyon ng mga medical paraphernalia, sari-saring gamot, isang shouldering kit, isang detonating cord, isang unit ng cellular phone, dalawang sim card, pako, iba’t ibang mga klase ng wires, hindi pa tapos na watawat ng CTG, basyo ng mga bala, isang power inverter, dalawang CD, tatlong extension, isang body camera, apat na bote ng diumano’y IED powder at mga subersibong dokumento at ilang mga personal na gamit.
Nadiskubre ang mga kagamitan dahil sa tulong at impormasyon mula sa isang dating CTG member.
Pinuri ni Police Colonel Julio Go, Provincial Director ng Isabela PPO ang mga operatiba dahil sa kanilang pagsusumikap at pagkatuklas sa mga kagamitan ng makakaliwang grupo.
Patuloy ang mga operasyon ng Pambansang Pulisya upang tuluyan nang mapuksa ang suliranin sa insurhensiya sa bansa.
Source: 1st Isabela PMFC
Panulat ni Police Corporal Carla Mae P Canapi