Nitong ika-29 ng Agosto, nakiisa ang buong hanay ng pambansang pulisya sa pagbibigay pugay sa ating mga ninunong bayani at sa kasalukuyang buhay na mga bayani na pawang mga nagmamahal at nagsisilbi sa ating bansa sa iba’t ibang pamamaraan.
Sa mga nakalipas na taon, sinubok tayo ng iba’t ibang uri ng sakuna. Nariyan ang pandemya, malalakas na bagyo, lindol at iba pa. Ang mga pagsubok na ito ang nagpanday at lalong nagpatibay sa bayanihan ng bawat Pilipino na taglay ang tibay ng loob at puso ng ating mga ninunong bayani na handang tumulong sa kapwa Pilipino nang walang hinihintay na kapalit.
Nariyan ang kwento ng ating mga bayaning medical worker na walang sawa at higit pa ang ibinibigay na paglilingkod mabigyan lamang ng tamang aruga ang mga maysakit. Hindi nila alintana kahit sila man ay mahawaan at patuloy na sinusuong ang peligro para sa kapakanan ng kapwa pilipino. Nangingibabaw sa ating mga doktor, nurse, at iba pang healthworker ang kanilang malasakit at dedikasyong makatulong sa nangangailangan.
Nariyan din ang ating mga bayaning guro na laging handang magbigay ng kanilang serbisyo upang hindi mahinto ang pagkatuto ng mga mag-aaral sa gitna ng pandemya. Hindi nagpatinag sa pandemya ang ating mga guro at gumawa ng iba’t ibang pamamaraan upang masiguro lamang na tuloy-tuloy ang paghubog at paglinang ng kaalaman ng ating mga mag-aaral.
Nariyan din ang mga kwento ng katapangan mula sa mga response team at volunteer na tuloy ang pag-abot ng tulong sa mga nangangailangan sa panahon ng bagyo at lindol. Sa ating mga kababayang laging namimigay ng tulong para sa ating mga kababayang lubos na naapektuhan ng mga sakuna at nitong pandemya. Kayo ang isa sa mga napakahalagang susi kaya’t magpasahanggang ngayon ay nakakaya nating malampasan ang anumang pagsubok na dumating.
Nariyan din ang ating mga kapulisan, kasundaluhan at iba pang mga unipormadong sangay ng gobyerno na laging nangunguna upang ilikas at iligtas ang ating mga kababayan sa anumang sakuna. Kahit sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin na magligtas ng buhay sa panahon man ng sakuna o pandemya sila ay patraydor na pinapatay ng mga teroristang komunista, ay hindi parin sila natitinag na gampanan ang kanilang misyong magsilbi at pumrotekta.
Maraming salamat at taos puso tayong nagpupugay sa ating mga makabagong bayani na patuloy na sumasagot sa hamon ng panahon. Ang nakararami ay handang tumulong sa kabila ng mahirap na sitwasyon. Nawa’y maging tanda ang pagdiriwang ng araw ng kabayanihan na ito upang magpunyagi pa tayo sa pagkamit ng pagkakaisa at pagtutulungan ng sambayanan tungo sa magandang bukas. Sa isip, sa salita, at sa gawa, itaguyod at ipagpatuloy natin ang pagbabayanihan tungo sa ligtas, malaya at maunlad na bansang Pilipinas.