Sultan Kudarat – Muli na namang naghatid ng kasiyahan at bagong pag-asa ang kapulisan ng Sultan Kudarat PNP ng muli nilang isinakatuparan ang kanilang best practices na “Kaarawan ko, Ngiti Niyo” sa mahigit 700 residente sa Purok Bliss, Kalawag I, Isulan, Sultan Kudarat noong ika-11 ng Disyembre 2022.
Ayon kay PLtCol Hoover Antonio, Force Commander ng 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, ang naturang aktibidad ay pinangunahan ni PCpl Jenie Rose Patricio katuwang sina Mrs. Roanne Michelle Alberto at Ms. Arianne Mae Andang, Company Advisory Group for Police Transformation and Development at iba pang kapulisan ng Sultan Kudarat Police Provincial Office (SKPPPO).
Gaya ng nakasanayan, mga masusustansyang pagkain, laruan at munting regalo ang inihandog ng nasabing grupo sa humigit 200 kabataan at 500 na residente sa naturang lugar.
Maliban sa kanilang ipinaabot na tulong, ibinahagi rin ng PNP ang kanilang kaalaman patungkol sa mga batas na pomoprotekta sa ating mga kabataan at kababaihan.
Abot tenga naman ang ngiti ng mga bata sa isinagawang aktibidad ng pulisya lalong lalo na sa pamimigay nila ng regalo at palaro na naglalayong mahubog ang kanilang mga talento.
Lubos naman ang pasasalamat ng Pambansang Pulisya sa walang sawang pagsuporta ng advisory council at mga stakeholders sa programa ng PNP na MKK=K (Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan tungo sa Kaunlaran) na naglalayong maghatid ng tulong at samo’t saring serbisyo sa mga mahihirap upang maibsan ang gutom at kahirapan sa kanilang komunidad.
Panulat ni Patrolman Gio Batungbacal