Pormal na inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang Joint Anti-Kidnapping Action Committee (JAKAC) noong ika-28 ng Mayo 2025 sa PNP Multi-Purpose Center, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.
Ang JAKAC ay sumasalamin sa “Whole-of-Nation Response” laban sa mga kaso ng pagdukot sa bansa, na layuning paigtingin ang pangangalap at pagsusuri ng impormasyon, mabilisang pagresponde, at pagbibigay ng suporta sa mga biktima ng kidnapping. Ito ay binubuo ng mga batikang eksperto na kinabibilangan ng mga legal officer, tagapagsalita, at elite investigation teams na nasa ilalim ng pamumuno ng Anti-Kidnapping Group (AKG).
Ang paglulunsad ay pinangunahan ni PNP Chief PGen Rommel Francisco D. Marbil at PLtGen Edgar Alan O. Okubo, Chief of the Directorial Staff at kasalukuyang Deputy Chief for Investigation. Si PLtGen Okubo rin ang itinalagang Chairperson ng JAKAC na mangunguna sa koordinasyon ng multi-agency ng inisyatibong ito.
Sa kanyang mensahe, tinukoy ni PGen Marbil ang JAKAC bilang isang “makasaysayan at estratehikong tagumpay” sa patuloy na laban ng bansa laban sa krimen ng pagdukot, aniya: “Ang hakbang na ito ay patunay ng ating matibay na paninindigan para sa katarungan, para sa mga naaapi, at para sa pagbabalik ng tiwala ng taumbayan. Ang kidnapping ay hindi lamang krimen ng kasakiman, kundi krimen ng takot. Ngunit sa araw na ito, pinipili natin ang tapang kaysa takot, ang pagkakaisa kaysa pagkakawatak-watak, at ang kaligtasan ng mamamayan kaysa sa kita ng criminal.”
Kasama sa mga dumalo ang mga katuwang mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan gaya nina Atty. Matthew M. David, Executive Director ng Anti-Money Laundering Council (AMLC); G. Victor Lim, Pangulo ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII); at Senior Deputy State Prosecutor Herbert Calvin Abugan, OIC ng DOJ Anti-Kidnapping Task Force (DOJ-AKTF).
Nakiisa rin na sumuporta sina Dir. Romeo Racadio ng National Security Council; PBGen (Ret.) Genesis L. Tolejano ng Philippine Anti-Organized Crime Commission; Judge (Ret.) Jaime B. Santiago, Direktor ng NBI; mga kinatawan mula sa Department of Justice, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Immigration, Anti-Money Laundering Council, Department of Information and Communications Technology, Cybercrime Investigation and Coordinating Center, at Philippine Amusement and Gaming Corporation.


Ang mga lumahok sa pagtitipon mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, dayuhang katuwang, at stakeholders ay lumagda ng isang Pledge of Commitment bilang tanda ng pakikiisa sa layunin ng committee.
Patuloy na isinusulong ng PNP at ng mga katuwang nito ang pagpapatibay ng mga hakbang kontra kidnapping upang mapanatili ang kapayapaan sa buong bansa.