Cagayan – Pinangunahan ng Cagayan PNP ang pagsasagawa ng isang Islamic Symposium na naganap sa Multi-Purpose Hall, Barangay San Jose, Baggao, Cagayan nito lamang Martes, Enero 24, 2023.
Ayon kay Police Colonel Julio S Gorospe Jr., Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office, ang symposium ay may temang “Pagpapalaganap ng tunay na Mensahe ng Islam” na pinasimulan ng Salaam Police Advocacy Group Cagayan Chapter.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga miyembro ng Cagayan PPO, Baggao Police Station, mga Barangay Officials, Sangguniang Kabataan, Barangay Health Workers, at mga Barangay Peace Keeping Action Team sa lugar.
Nagsilbing tagapagsalita sa symposium si G. Muhammad T. Khalil, kung saan tinalakay niya ang kaalaman sa kultura, kasaysayan ng Islam sa Pilipinas, at pagtataguyod ng kapayapaan sa pagitan ng Muslim at mga hindi Muslim sa komunidad.
Nabigyan din ng pagkakataon ang ibang mga Salaam Officers na magpahayag ng kanilang mensahe ukol sa adbokasiya sa kapayapaan at kaayusan.
Layunin ng naganap na aktibidad na palakasin at patatagin ang ugnayan ng Muslim at Non-Muslim Community para sa isang payapa, tahimik, at nagkakaisang Cagayan.
Source: Cagayan Police Provincial Office
Panulat ni Police Staff Sergeant Mary Joy D Reyes