Camarines Norte – Boluntaryong nagbalik-loob sa pulisya ang isang miyembro ng New People’s Army o NPA sa bayan ng Sta. Elena, Camarines Norte bandang 1:45 ng hapon nito lamang Mayo 23, 2023.
Kinilala ni PCol Antonio Bilon Jr., Provincial Director ng Camarines Norte Police Provincial Office, ang sumukong rebelde na si alyas “Ka Carlo”, 37, binata, aktibong miyembro ng Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC) na nagsasagawa ng mga operasyon sa mga bayan ng Capalonga, South Road Barangays sa bayan ng Labo at Sta. Elena, Camarines Norte at nagsilbi din bilang Vice Commanding Officer ng naturang grupo ng mahigit siyam na taon.
Ayon kay PCol Bilon Jr., matapos ang isinagawang negosasyon at dayalogo ng pinagsamang mga operatiba ng Sta. Elena MPS (lead unit), Camarines Norte Provincial Intelligence Unit, Camarines Norte 2nd PMFC at 1st Provincial Tracker Team-Camarines Norte (PTT) ay naging matagumpay ang nasabing pag-uusap.
Kasabay ng pagbabalik-loob, isinuko din ni Ka Carlo ang kanyang armas na isang (1) kalibre 45 pistol na may brand name na M1911A1 U.S ARMY ACP, isang (1) steel magazine na may pitong (7) bala, isang (1) granada, limang (5) TNT (C4) na may brand name na NITRO EM 1500, sampung pirasong (10) blasting cap fuse at detonating cord na may habang sampung metro.
Isasailalim si Ka Carlo sa proseso ng pag-enroll sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). Kabilang dito ang pagkakaroon ng cash incentives, educational assistance at paglahok sa mga livelihood programs na magagamit nila sa pagbabagong buhay.
Patuloy na hinihikayat ng PNP Bikol ang mga miyembro ng rebeldeng grupo na magbalik-loob sa gobyerno para magkaroon ng normal at tahimik na pamumuhay kasama ang kanilang mahal sa buhay.
Source: Camarines Norte PPO