Arestado ang isang indibidwal matapos mahulihan ng baril at mga bala sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nito lamang ika-7 ng Enero 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Samuel Roy Subsuban, Hepe ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Saiden,” 42 anyos, at residente ng naturang bayan.
Ayon kay PLtCol Subsuban, ang matagumpay na operasyon ay naisakatuparan sa tulong ng Datu Odin Sinsuat MPS at ng Maguindanao del Norte Provincial Mobile Force Company.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang magasin at mga bala ng cal.45 pistol, gayundin ang isang long firearm na homemade 12-gauge shotgun.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” ang isasampa laban sa suspek.
Hinikayat naman ng Maguindanao del Norte PNP ang publiko na maging mapagmatyag at ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP laban sa iligal na pagdadala at paggamit ng baril na naglalayong mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora Agbuya