Arestado ang isang indibidwal sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad dahil sa ilegal na pagbebenta ng baril sa Purok 1, Barangay Poblacion, Banaybanay, Davao Oriental nito lamang ika-10 ng Hulyo 2024.
Kinilala ni Police Captain Bryan G Conson, Officer-In-Charge ng Banaybanay Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Ruel”, 39 anyos at residente ng Purok 16, Barangay Poblacion, Nabunturan, Davao de Oro.
Ang suspek ay naaresto ng mga tauhan ng nasabing istasyon katuwang ang Davao Oriental Criminal Investigation and Detection Group kung saan narekober mula sa suspek ang isang yunit ng 9mm Pistol, isang magazine at buy-bust money.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek.
Samantala, ang Police Regional Office 11 sa pangangasiwa ni Regional Director Police Brigadier General Nicolas D Torre III, ay patuloy na nakikiisa sa mga adhikain na suportahan ang mga programa ng pamahalaan tungo sa kaayusan at kapayapaan para sa ligtas na lipunan.
Panulat ni Patrolwoman Shairra Rose A Aquino