Davao City – Arestado ang isang indibidwal sa pagdadala ng ilegal na baril matapos mahuli sa checkpoint ng pinagsamang tauhan ng Task Force Davao Sirawan at Toril PNP sa Brgy. Sirawan, Toril Davao City, Oktubre 18, 2022.
Kinilala ni PMaj Carol Jabagat, Station Commander ng Toril Police Station, ang suspek na si alyas “Norland”, 47, residente ng Brgy. Caloocan, Koronadal City.
Ayon kay PMaj Jabagat, naaresto ang suspek matapos dumaan at parahin sa isinasagawang checkpoint ng pinagsamang tauhan ng TF Davao Sirawan at Toril PS upang inpeksyunin ang kanilang sasakyan at mga dala at doon nakita ng mga otoridad ang ilegal na baril.
Dagdag pa ni PMaj Jabagat, narekober mula sa suspek ang isang .45 Caliber Colt MK na may serial number 846191 na may kasamang isang magazine at naglalaman ng anim na bala.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nagbabala naman ang Police Regional Office 11 na huwag magdala ng baril o anumang armas na hindi otorisado at walang kaukulang dokumento dahil ito ay labag sa batas at may katapat na kaparusahan.
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara