Davao City – Ligtas na idinaos ang inagurasyon ni Vice President Elect Sara Duterte sa tulong ng PNP sa Davao City kung saan ginanap ang panunumpa nito bilang ika-15 Bise Presidente ng Republika ng Pilipinas sa San Pedro Square, Davao City, ngayong araw ng Linggo, Hunyo 19, 2022.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng ama nito na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ina na si Elizabeth Zimmerman bilang opisyal na mga saksi. Kasama din sa dumalo si President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
“Ako po si Inday Sara. A proud Dabawenya. A proud Mindanawon. Hindi ako ang pinakamagaling, o pinakamatalinong tao sa Pilipinas at sa mundo, ngunit walang makakatalo sa tibay ng puso ko bilang isang Pilipino. Mabuhay ang Pilipinas!”, ayon sa mensahe ni Vice President Elect Sara Duterte.
Samantala, kinumpirma naman ng City Tourism Operation Officer, Generose Tecson na mayroong 600 na VIP ang dumalo sa nasabing inagurasyon kasama na rito ang ambassador ng US, Japan, China, Romania, Germany at South Korea.
Tinatayang 20,000 ang dumalo sa inagurasyon at wala namang naitalang anumang krimen o insidente.
Ito ay sa tulong na rin ng ating mga kapulisan ng Police Regional Office 11 sa pangunguna ni PBGen Benjamin Silo Jr., Regional Director, katuwang ang iba’t ibang security forces sa lungsod na buong pusong nagbigay ng kanilang serbisyo publiko.
Ito rin ay isang “Historical Event” kung maituturing dahil ito ang kauna-unahang inagurasyon ng ikalawang pangulo ng bansa na isinagawa sa Mindanao. Ang Bise Presidente ay opisyal na uupo sa panunungkulan sa Hunyo 30, 2022.
###
Panulat ni Patrolwoman Rose Ann Delmita