Maricaban, Pasay City — Nakumpiska sa isang lalaki ang improvised na baril at droga sa Oplan Galugad ng Pasay City Police Station nito lamang Lunes, Hulyo 18, 2022.
Kinilala ni SPD Director, PBGen Jimili Macaraeg, ang suspek na si Reynan Julian y Tamidles alyas “Sadam”, 31, nakalista sa drugs watchlist sa lugar.
Ayon kay PBGen Macaraeg, naaresto si Julian sa kahabaan ng Opal St. corner San Lorenzo St., Brgy. 180, Maricaban, Pasay City bandang 12:15 ng madaling araw ng mga tauhan ng Sub-Station 7 ng Pasay CPS kasama ang Barangay Kagawad at Tanod ng Brgy. 180 ng Lungsod.
Nakumpiska kay Julian ang isang improvised handgun na kargado ng isang .45 caliber live ammunition at dalawang piraso ng .45 caliber live ammunition, at maliit na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang 0.20 gramo ang bigat na may halagang Php1,360.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Ang aming mga operasyon ay naglalayong paigtingin ang pagbaba ng mga krimen sa ating nasasakupan at upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan. Kaya naman kailangan din namin ng inyong kooperasyon upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan dito sa ating lugar. Sa pamamagitan din ng pagreport ng mga iregularidad na pangyayari sa inyong kapaligirian, sinisiguro namin na agad namin itong tutugunan,” ani PBGen Macaraeg.
Source: SPD PIO
###
Panulat ni PSSg Remelin Gargantos