Carles, Iloilo – Magkatuwang na isinagawa ng Iloilo Police Provincial Office at ng Technical Education Skills and Development Authority ng Iloilo ang dalawang araw na Community Outreach Program sa Barangay Manlot, Carles, Iloilo mula nitong June 3 hanggang June 4, 2022.
Layunin ng programa na maging posible ang hangarin ng mga residente sa nasabing lugar na magkaroon ng tamang pagsasanay at maturuan sila ng iba’t ibang kasanayan lalo na sa pagkakaroon ng pagkakakitaan. Sa pamamagitan nito matutugunan ang kanilang mga pangangailangan sa araw-araw.
Ang hangaring ito ay tinupad ng mga tauhan ng Provincial Community Affairs and Development Unit, sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Jojo Tabaloc; Carles Municipal Police Station, sa pamumuno ni Police Major Nestor Bacuyag; at ng Regional Maritime Unit 6 na siyang nag-organisa ng nasabing aktibidad.
Tinatayang nasa 50 indibidwal ang matagumpay na sumailalim at nakapagtapos sa dalawang araw na pagsasanay patungkol sa small engine maintenance at bread making.
Ang Iloilo PPO ay walang tigil sa pagsasagawa ng iba’t ibang hakbang hindi lang sa pagpapatupad ng batas at sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kundi pati na rin sa pagbibigay ng mga alternatibo upang makatulong sa ating mga kababayan na magkaroon ng maginhawang buhay.
###