Balamban, Cebu – Nauwi sa pagkakaaresto ang tatlong illegal gambling violators sa ikinasang anti-illegal gambling operation ng mga operatiba ng Balamban Municipal Police Station sa Brgy Buanoy, Balamban noong ika-11 ng Hunyo 2022.
Kinilala ng Acting Chief of Police ng Balamban MPS, Police Major Reyco Romaguera, ang mga naaresto na sina Fernando Yosores Lanosa, 51; Eric Carton Ferrer, 45; at Vivincia Villabas Curay, 68, na pawang mga residente ng nabanggit na lugar.
Ayon kay Police Major Romaguera, naaresto ang mga suspek matapos tugunan ng mga otoridad ang isang ulat na natanggap ng kanilang himpilan patungkol sa ilegal na gawain sa naturang barangay at naaktuhan ang mga ito sa paglalaro ng “Tong-its”, isang uri ng sugal.
Nakumpiska mula sa naturang operasyon ang isang set ng playing cards, Php295 na cash bet money at iba pang mga kagamitan sa pagsusugal.
Mahaharap ang mga akusado sa kasong paglabag sa PD 1602 o Prescribing Stiffer Penalties on Illegal Gambling.
Ang matagumpay na operasyon ay kaugnay sa pinaigting na pagsasagawa ng naturang istasyon sa kanilang Synchronized Enhanced Managing Police Operations (SEMPO).
###