Nadiskubre at agad na binuwag ng Danao City Police ang dalawang iligal na pagawaan ng baril sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa noong Mayo 16 at 17, 2025, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra pagkalat ng mga hindi lisensyadong armas sa lungsod.


Sa unang operasyon noong Mayo 16 sa Purok 5, Barangay Masaba, naaresto ang isang 46-anyos na lalaki dahil sa ilegal na paggawa ng mga baril. Ayon sa ulat, nasamsam sa lugar ang mga hindi pa natatapos na pistola at pistol barrels, mga bala, firearm magazines, at iba’t ibang kagamitan gaya ng lathe machine, grinder, welding machine, at iba pang gamit sa metalworks.

Samantala, sa sumunod na araw, Mayo 17, isang follow-up operation ang ikinasa sa Sitio Patag, Barangay Manlayag, kung saan muling natuklasan ang isa pang tagong pagawaan ng baril. Tumakas ang suspek sa nasabing lugar at kasalukuyan nang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Narekober naman mula sa ikalawang site ang isang hindi pa nabubuong rifle, isang .22 caliber revolver, mga bala, magazines, at kagamitang gamit sa paggawa ng armas.
Ayon kay Police Colonel Jovito M. Atanacio, Acting Provincial Director ng Cebu Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng kanilang matibay na paninindigan laban sa mga iligal na aktibidad na nagbabanta sa kapayapaan ng komunidad. Ipinapakita nito na hindi nila palalagpasin ang pagkalat ng mga iligal na armas sa lalawigan ng Cebu.
Patuloy ang malawakang intelligence operations at law enforcement efforts ng Danao City Police upang tuluyang mawala ang ilegal na produksyon ng baril at mapanatili ang seguridad ng publiko.