Nasawata ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa mga sindikatong sangkot sa ilegal na bentahan ng petrolyo matapos salakayin ang isang hinihinalang imbakan at transshipment area sa Barangay Tambo, Pamplona, Camarines Sur.
Naaresto sa operasyon si alyas “Danilo”, 39 anyos, katiwala ng isang organisadong grupo na sangkot sa ilegal na pagbebenta ng krudo, gasolina, at LPG.
Ayon sa ulat ng pulisya, ginagamit umano ang tapat ng bahay ng suspek bilang lugar para sa pag-iimbak at pagbuhos ng mga nakaw na produktong petrolyo mula sa mga dumadaang tanker at capsule truck.
Kasama ring nadakip sa operasyon ang driver ng isang tanker truck na si alyas “Levy”, 34 anyos, residente ng Barangay Balogo, Pasacao.
Ang dalawa ay nahulihan ng mahigit Php1.18 milyong halaga ng tinaguriang “white product” — isang katawagan sa krudo at iba pang produktong petrolyo na iligal na kinakalakal.
Ayon kay Police Colonel Bernoulli Abalos, Hepe ng CIDG Region 5, ang operasyon ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng kanilang yunit laban sa mga “economic saboteurs” alinsunod sa direktiba ni CIDG Director Police Major General Nicolas Torre III.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang grupo nina Tuyo ay konektado umano sa mas malawak na sindikato na may operasyon din sa Cavite at Quezon, gayundin sa mga bayan sa Central Luzon gaya ng Mariveles, Bataan at ilang lugar sa Bulacan.
Nauna nang sinalakay ng CIDG ang isa pang pasilidad ng grupo sa Del Gallego, Camarines Sur, kung saan dalawang indibidwal, kabilang ang isang babaeng operator, ang naaresto rin at nahulihan ng malaking kantidad ng petrolyo.
Kaso sa ilalim ng Presidential Decree No. 1865 na may kaugnayan sa ilegal na kalakalan ng produktong petrolyo ang kakaharapin ng mga suspek.
Patuloy ang panawagan ng pamahalaan sa publiko na magsumbong sa mga awtoridad ukol sa mga kahalintulad na ilegal na aktibidad upang tuluyang masugpo ang mga sindikatong sumisira sa kabuhayan ng bayan.