Arestado ang isang Barangay Kagawad matapos makuhanan ng ipinagbabawal na droga sa isinagawang operasyon ng PNP at PDEA 8 sa Brgy. Quezon, MacArthur, Leyte nitong ika-8 ng Disyembre 2023.
Kinilala ang naaresto na si alyas “Jojo”, 51 anyos, Barangay Kagawad ng Brgy. Quezon, MacArthur, Leyte.
Dakong 4:50 ng hapon nang isagawa ang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng MacArthur Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Captain Lino Lopez (Support Unit) kasama ang PDEA8-Leyte Provincial Office (Lead Unit).
Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang pirasong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit kumulang 4.02 gramo na may tinatayang market value na Php27,700.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tinitiyak ng PNP katuwang ang PDEA na magpapatuloy ang mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at sa lahat ng uri ng kriminalidad para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa kanilang nasasakupan.