Sultan Kudarat – Arestado ang isang 48 anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng hindi lisensyadong baril ng mga awtoridad sa Purok 7, Brgy. Telafas, Columbio, Sultan Kudarat nito lamang Lunes, ika-22 ng Enero 2024.
Kinilala ni Police Major Randy Eliarda, Hepe ng Columbio Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Boyet”, may asawa, at residente ng nasabing lugar.
Ayon kay PMaj Eliarda, ganap na 9:20 ng umaga nang kanilang salakayin ang pamamahay ni Boyet sa bisa ng search warrant na nagresulta sa pagkakaaresto nito at pagkakumpiska ng isang yunit ng 12-gauge shotgun na may kasamang magazine.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Paalala naman ni PMaj Eliarda sa ating mga kababayan na may karampatang parusa ang pagtatago ng mga hindi lisensyadong baril at mga pampasabog sa kanilang mga tahanan.