Camp Bagong Diwa — Nakiisa ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa paggunita ng Ika-125 taong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan na ginanap sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City nito lamang Lunes, ika-12 ng Hunyo 2023.
Ang nasabing pagpupugay sa watawat ay isinagawa ng buong kapulisan ng NCRPO sa ilalim ng pamumuno ni PMGen Edgar Alan Okubo, Regional Director kasama ang mga opisyales nito.
Sa naging palatuntunan, nagpamalas ng husay sa pananalumpati si PEMS Venerando Vizzarra hinggil sa kahalagahan ng simbolo ng kalayaan.
Kasunod nito ay ang sabayang pag-awit ng “Ang Bayan Ko” at “Pilipinas Kong Mahal” habang pinakawalan ang mga puting kalapati bilang simbolo ng kalayaan at pag-alaala sa nakamit na kasarinlan ng bansa.
Ayon sa PNP, mas lalo nilang palalakasin ang pakikiisa ng kanilang organisasyon sa ibang ahensya ng gobyerno at paiigtingin ang pagpapalaganap ng serbisyong nagkakaisa, na siyang gabay sa paglilingkod at pakikipagtulungan para sa kaayusan, kapayapaan at kaunlaran.
Pinaalalahanan naman ni PMGen Okubo ang kanyang hanay na sila ay mga alagad ng batas na may tungkuling pangalagaan hindi lamang ang kaligtasan at seguridad ng mamamayan, kundi pati ang demokrasya na ipinaglaban at ibinuwis ng ating mga bayani at mga ninuno.
“Higit na makabuluhan ang pagdiriwang natin ng ating Kalayaan sa pamamagitan ng paghahandog ng higit na magiting, maayos at matapat na paglilingkod sa mamamayan ng Kamaynilaan,” ani pa ni PMGen Okubo.
Source: PIO NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos