Bohol – Napasakamay ng kapulisan ang tinaguriang High Value Individual Watch Listed ng Bohol sa ilegal na droga matapos mahuli sa buy-bust operation ng PNP sa Brgy. Bil-isan, Panglao, Bohol nito lamang Mayo 31, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Lorenzo Batuan, Provincial Director ng Bohol Police Provincial Office, ang naaresto na si “Elmer”, 44, residente ng nasabing barangay.
Ayon kay Police Colonel Batuan, pasado alas-12 ng madaling araw nitong Miyerkules ng ikasa ang operasyon ng mga operatiba ng Panglao Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Major Andie Corpuz, Chief of Police.
Kasabay ng pagkakadakip ng suspek ay narekober mula rito ang tinatayang nasa 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php680,000, isang Huawei Cellphone, at buy-bust money.
Nakakulong ngayon ang suspek sa Panglao MPS at nahaharap sa patung-patong na reklamo kaugnay sa ilegal na droga.
Pinuri at muling hinikayat ni Police Colonel Batuan ang mga operatiba para sa mahusay at matagumpay na pagsasakatuparan ng operasyon.