Sultan Kudarat – Naaresto ng Sultan Kudarat PNP at PDEA 12 ang isang High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Katilingban, Brgy. San Pablo, Tacurong City, Sultan Kudarat nito lamang Miyerkules, Nobyembre 23, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang nadakip na si alyas “Datu Jomar” nasa wastong gulang at residente ng Pandag, Maguindanao.
Ayon kay PBGen Macaraeg, nadakip si Datu Jomar sa pinagsanib pwersa ng mga tauhan ng Tacurong City Drug Enforcement Unit, Sultan Kudarat Provincial Drug Enforcement Unit; Sultan Kudarat Provincial Intelligence Unit, PDEA 12, kasama ang ilang media practitioner at Brgy. Kagawad ng nasabing lugar.
Narekober mula sa suspek ang hinihinalang shabu na may timbang na 0.8 gramo at may tinatayang halaga na Php5,440, samu’t saring drug paraphernalia, buy-bust money at pinatuyong dahon ng marijuana na may kabuuang timbang na 600 gramo na nagkakahalaga ng Php72,000.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tinitiyak naman ni PBGen Macaraeg, na hindi titigil ang kapulisan ng Rehiyong 12 sa pagsugpo sa ilegal ng droga o anumang uri ng kriminalidad alang-alang sa kapayapaan at kaayusan ng rehiyon.
Source: Police Regional Office 12 – Public Information Office
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin