Arestado ang isang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng Php340,000 halaga ng shabu sa isinagawang anti-illegal drug entrapment operation ng mga otoridad sa Purok Narra, Barangay Numo, Esperanza, Sultan Kudarat nito lamang Enero 10, 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Josemarie R Simangan, Force Commander ng 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, ang naarestong suspek na si alyas “Kar”, 38 anyos, may asawa, driver at residente ng Barangay Pimbalayan, Lambayong, Sultan Kudarat.
Dakong 7:55 ng gabi nang ikinasa ang buy-bust operation sa pangunguna ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Sultan Kudarat katuwang ang Esperanza Municipal Police Station, 2nd SKPMFC at 1202nd 3rd Platoon, RMFB12.
Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang piraso ng small size at jumbo transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 50 gramo na nasa Php340,000 halaga at isang Php1,000 bill bilang buy-bust money at iba pang non-drug items.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang PNP ay mananatiling alerto upang mapuksa ang mga taong sangkot sa ilegal na droga sa bansa at mapanatili ang maayos at ligtas na komunidad para sa isang Bagong Pilipinas.
Panulat ni Patrolwoman Rhesalie Umalay