Mapagpalang araw po sa inyong lahat. Purihin ang Panginoong Diyos sa Kanyang walang humpay na pag-ibig sa atin. Salamat sa Diyos sa patuloy na pag-iingat sa atin at pagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan.
Pagod ka na ba?
Dahil sa nakikita mo na ang iyong ginagawa ay parang walang magandang resulta. Ginawa mo ang pinaka-mainam sa lahat. Ginugol ang mahabang oras sa pagtatrabaho at nagpupuyat para maging maganda ang proyekto ng iyong opisina. Pagkatapos ay may maririnig kang masamang komento at sinasabi na walang kuwenta ang iyong ginawa. Naranasan mo na ba ito? Maaaring makapagdulot sa atin ng kalungkutan ang mga bagay na ginagawa natin ay hindi napapahalagahan at hindi nakikita ang iyong sakripisyo. Naranasan ko na rin po iyan. Ang pagbibigay ng magandang puna sa ating mga gawa at pagbibigay ng motibasyon sa atin ay nagbibigay sa atin ng inspirasyon na magsumikap at ibigay ang pinakamainam natin na gawain. Batid natin na sa ating organisasyon, malimit na sinasabi na kulang tayo sa tao at kinakailangang gampanan ang maraming tungkulin. Kaya naman sa abot ng ating makakaya ay ginagawa natin ang lahat upang magkaroon ng magandang kalidad ng serbisyo sa bayan at mamamayan. Tuloy lang po tayo sa pagtatrabaho. Ang mahalaga at ibinigay natin ang “the best” sa ating tungkulin.
Pagod ka na ba?
Dahil nakikita mo na ang iyong mga anak ay hindi sumusunod sa iyong payo. Na tila ang iyong pagnanais na sila ay makatapos sa pag-aaral. Hindi mo nakikita sa kanila ang pagsisikap at sa halip ay inuuna pa ang paglalaro ng ML, Social Media at sa on-line study ay nagrereklamo. Huwag tayong tumigil sa pagbibigay ng motibasyon sa ating mga anak na kailangan nilang mag-aral at makatapos upang magkaroon ng magandang kinabukasan at pagdating ng panahon ay sila rin ang makikinabang.
Pagod ka na ba?
Dahil marami pa ring negatibong salita ang ibinabato sa ating organisasyon dahil may mga kabaro tayong gumagawa ng ilegal na gawain. Kadalasan ang nagba-viral sa social media ay ang mga maling gawain ng ilan nating kabaro. Kapag may nakakausap akong bumabatikos sa ating kapulisan ay pinapakinggan ko sa kanila at pagkatapos ay sinasabi ko sa kanila na, “hindi po lahat ay involve sa masamang gawain at marami pong tapat sa tungkulin na naglilingkod sa bayan. Salamat sa Diyos at isa po kayo sa tapat na pulis, mabuting magulang, mabuting kaibigan sa mamamayan at inspirasyon sa nakakarami.
Huwag mapagod sapagkat sinabi ng “Banal Na Kasulatan” sa sulat ni Apostol Pablo sa Galacia 6:9-10:
“Kaya’t huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko. Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.”
Huwag mapagod, ito ay may laang gantimpala sa atin!
Habang may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa ating mamamayan. Bilang lingkod ng bayan ito ang pinakamainam nating gawin sa ating kapwa.
###
Godbless PNP