Matagumpay na naaresto sa pinagsamang operasyon ng mga awtoridad ang isang hinihinalang kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) dahil sa ilegal na posesyon ng baril sa Barangay Bongabong, Oriental Mindoro nito lamang ika-26 ng Oktubre 2024.
Naisakatuparan ang operasyon sa pagtutulungan ng tauhan ng Bongabong Municipal Police Station (MPS), 76th Infantry Battalion (IB), 2nd Infantry Division (ID) ng Philippine Army (PA), 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) Oriental Mindoro, at 10th Special Action Battalion (SAB) ng Special Action Force (SAF).
Nakumpiska mula sa suspek ang isang Caliber .45 Kimber Yonkers NY, U.S.A. na walang kaukulang dokumento o permit. Dahil sa kanyang kabiguan na magpakita ng kinakailangang papeles, inaresto ang suspek at ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatang pangkonstitusyon sa ilalim ng Miranda Doctrine at Anti-Torture Law.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bongabong MPS ang suspek para sa karagdagang dokumentasyon at wastong proseso ng batas.
Ang operasyong ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng mga lokal na awtoridad na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan para sa seguridad ng lahat.
Source: Bongabong MPS
Panulat ni Patrolwoman Ana Rose D Guadaña