Arestado ang isang High Value Individual na drug suspek matapos mahulihan ng higit kalahating milyong halaga ng ilegal na droga sa inilunsad na drug buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Bago Chiquito, Panay, Capiz nito lamang ika-19 ng Disyembre 2023.
Dakong alas-04:20 ng umaga, nang isagawa ang buy-bust operation ng mga operatiba ng Panay Municipal Police Station bilang Lead Unit, kasama ang Capiz-PPDEU, Cluster SDET, Maayon MPS, at ng Panitan MPS.
Kinilala ni Police Captain Gary Diaz, Officer-In-Charge ng Panay MPS, ang nahuling drug suspek na si alyas “Epeng”, residente ng Brgy. Loctugan, siyudad ng Roxas at nakatala bilang High Value Individual.
Narekober sa suspek ang 17 sachets ng suspected shabu, kalakip ng buy-bust item, boodle money, dalawang tooter, isang coin purse, at isang yunit ng Suzuki Raider 150 motorcycle na kulay itim.
Tumitimbang naman ng humigit-kumulang 85 gramo ang lahat ng drogang nakumpiska na nagkakahalaga ng Php578,600.
Dinala ang naarestong indibidwal sa himpilan ng Panay MPS para sa tamang dokumentasyon at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, pinuri agad ni PBGen Sidney N Villaflor, PRO6 top cop, ang mga operating units para sa kanilang matagumpay at dedikadong operasyon laban sa ilegal na droga.
“Muli na naman po nating napatunayan ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan para sa tagumpay ng bawat operasyon,” ani PBGen Villaflor.