Bacolod City – Tinatayang aabot sa Php8.8 milyong halaga ng droga ang nasabat sa tatlong drug personalities na nahuli ng Bacolod City Police Station 8 sa isinagawang drug buy-bust operation sa Purok Kabulakan 1, Barangay Singcang Airport, Bacolod City, kagabi, ika-3 ng Agosto 2023.
Ang tatlong suspek ay kinilala na sina alyas “Alog” at “Bolly”, sinasabing miyembro ng CAUNDA DRUG GROUP, 31, babae, walang asawa, tubong Marisol, Angeles City, Pampanga, pansamantalang naninirahan sa Purok Kabulakan 1, Brgy Singcang-Airport, Bacolod City; alyas “Mike”, 43, walang asawa, electrician, tubong Brgy. Santa Cruz, Antipolo, Rizal na pansamantala ring naninirahan sa Brgy Singcang-airport, Bacolod City; at si alyas “Jun-Jun”, 33, helper, at residente ng Purok Zaylan, Brgy. 4, Bacolod City.
Ayon kay Police Colonel Noel Aliño, Hepe ng Bacolod City Police Office, narekober sa tatlong subject persons ang 1.3 kilos ng pinaghihinalaang shabu na may tinatayang halaga na Php8,840,000.

Dagdag pa PCol Aliño, nakuha din sa naturang operasyon ang isang Armscor Caliber. 45 Pistol na may isang magazine na kargado ng limang bala, isang genuine One-thousand-peso bill, Php99,000 boodle money (buy-bust money), isang weighing scale, at isang red paper bag.
Pinuri naman ni PBGen Sidney Villaflor, Regional Director ng PRO6, ang mga operating units sa kanilang dedikasyon upang labanan ang ilegal na droga sa siyudad ng Bacolod.
“Sa accomplishment na ito, maraming buhay na naman ang inyong naisalba. Huwag po tayong tumigil hanggang makamit natin ang ating hangaring maging drug-free ang buong rehiyon. Nagpapasalamat po ako sa komunidad na patuloy na sumusuporta sa ating kapulisan sa pamamagitan ng pagbigay ng valuable information. Patuloy po nating labanan ang kasamaan para sa ating mga kabataan na makapamuhay sila ng ligtas at malayo sa ilegal na droga at magkaroon pa ng mas magandang kinabukasan”, aniya”.