Caloocan City — Umabot sa Php55,080,000 halaga ng shabu ang nasabat sa isang High Value Individual (HVI) sa buy-bust operation ng PNP at PDEA nito lamang alas-3:50 kaninang madaling araw ng Mayo 23, 2022.
Kinilala ni Northern Police District Director, Police Brigadier General Ulysses Cruz, ang suspek na si Tantawi Naga Salic alyas “Tangie,” 35, walang trabaho, kasalukuyang nakatira sa Phase 12 Riverside Brgy.188, Caloocan City, at kabilang sa watchlist ng pulisya.
Ayon kay PBGen Cruz, naaresto si alyas Tangie sa kahabaan ng Riverside ng Phase 12 Brgy. 188, Tala, Caloocan City ng mga operatiba ng OCOP-Drug Enforcement Unit, Caloocan CPS kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO at PDEA-RONCR.
Ayon pa kay PBGen Cruz, nahuli ang suspek pagkatapos ng drug trade sa isang poseur buyer ng pulisya kung saan narekober sa kanya ang walong pirasong large transparent vacuum sealed plastic bag at isang pirasong knot tied transparent plastic bag na pawang naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 8,100 gramo at nagkakahalaga ng Php55,080,000.
Dagdag pa ni PBGen Cruz, nakumpiska din kay alyas Tangie ang pitong pirasong foil wrapper bag, isang blue travel bag pack, at dalawang genuine na tig-isang libo kalakip ang 68 pirasong Php1,000 boodle money na ginamit sa operasyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sec. 5 at Sec. 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang PNP ay patuloy sa operasyon nito kontra ilegal na droga bilang tugon sa directiba ni Officer-in-Charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. at sa bagong bersyon ng “fight against drugs” ng PNP, ang ADORE o Anti-Illegal Drugs Operation through Reinforcement and Education.
Source: NPD
###
Panulat ni PCpl Jhoanna Marie Najera-Delos Santos