Kumpiskado ang tinatayang nasa higit Php3 milyong halaga ng shabu sa lalaking suspek sa drug-bust operation na isinagawa ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) 7 sa C. Padilla St., Barangay San Nicolas, Cebu City, Martes, Enero 9, 2024.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jomar Dela Cerna, Chief RPDEU 7, bandang alas-12:10 ng madaling araw nang inilunsad ang operasyon na humantong sa pagkakadakip ng target na si “Junard”, 34, na residente ng Sitio Suba, Brgy. Pasil, Cebu City.
Kasabay ng kanyang pagkakaaresto, nakumpiska sa pag-iingat nito ang shabu na tumitimbang ng nasa 450 gramo na may halaga na Php3,060,000, black sling bag, at buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165.
Ang matagumpay na operasyon at iba pang kaugnay na hakbang ng kapulisan ay bunga ng walang humpay na pagsisikap upang lutasin ang problema sa ilegal na droga at ang mga krimen na dulot nito sa solidong suporta at pakikiisa ng komunidad.