Iloilo City – Nasabat ng Iloilo City PNP ang tinatayang 53 gramo ng shabu sa isang High Value Individual matapos ang ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Burgos, Lapaz, Iloilo City, noong ika-17 ng Hulyo 2023.
Ang naturang drug-bust ay inilunsad ng mga operatiba mula sa City Drug Enforcement Unit ng Iloilo City Police Office (ICPO CDEU) at Iloilo City Police Station 2 – Station Drug Enforcement Team (ICPS2 SDET).
Kinilala ni Police Captain Roque Gemino III, Team Leader ng City Drug Enforcement Unit ang subject person na si alyas “Mark”, 32 at residente ng Brgy. Rizal, Lapuz, Iloilo City.
Tiklo ang suspek matapos mabilhan ito ng isang pakete ng pinaniniwalaang shabu sa halagang Php10,000.
Nakuha pa sa kanya ang dagdag na 11 pakete ng suspected shabu at sa kabuuan ay tumitimbang na 53 gramo ng droga ang nakumpiska na nagkakahalaga ng Php360,400.
Narekober din ang ilang mga ebidensya na Php10,000 buy-bust money, isang android cellular phone, pitong pirasong lighter, isang black pouch, isang improvise tooter, tatlong maliliit na rolled aluminum foil, isang sling bag, proceeds money na Php350, isang gunting at ang Honda Click 125 motorcycle na ginamit ng suspek.
Batay sa report, si alyas “Mark” ay dating nakulong sa parehong kaso noong 2016 at nakalabas noong 2020 sa pamamagitan ng plea bargaining agreement.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.
Ito ay patunay na hindi tumitigil ang PRO6 sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Sidney N Villaflor sa kampanya laban sa ilegal na droga at magpapatuloy sa magandang ugnayan sa komunidad upang tuluyang mahuli ang mga natitira pang may kinalaman, gumagamit, at nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.