Nasabat ang higit Php2 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation ng San Carlos Component City Police Station sa Hope St., Barangay 5, San Carlos City, Negros Occidental nitong ika-10 ng Pebrero 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Nazer P Canja, hepe ng San Carlos Component CPS, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Julius”, alyas “Alot”, parehong naitala bilang mga High Value Individual, at dalawang Street Level Individual na sina alyas “Alexis at si alyas “Reynaldo”.
Ayon kay PLtCol Canja, narekober sa mga suspek ang 18 plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na tumitimbang ng 303.01 gramo na may tinatayang halaga ng Php2,060,468, sling bag, at mga drug paraphernalia.
Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, sinabi naman ni Police Brigadier General Sidney N Villaflor, Regional Director ng Police Regional Office 6 sa kanyang pahayag na ang malaking halaga ng nakumpiskang droga ay isang indikasyon ng patuloy at mas pinaigting na determinasyon ng kapulisan ng Western Visayas na masugpo ang ilegal na droga sa rehiyon.