Nakumpiska ang tinatayang Php2,393,600 halaga ng shabu mula sa isang Top Priority Target sa isinagawang buy-bust operation ng PNP-PDEA sa Surigao City, noong Marso 1, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Kirby John B Kraft, Regional Director ng Police Regional Office 13, ang suspek na isang High Value Individual at kasama sa Top Priority target na si alyas “Lim”, 51 taong gulang at residente ng Barangay Taft, Surigao del Norte.
Ayon kay PBGen Kraft, bandang 11:30 ng gabi nang inaresto ang suspek sa kanyang tirahan sa pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Surigao del Norte Provincial Drug Enforcement Unit, Surigao City Police Station, Philippine Drug Enforcement Agency 13, Surigao City Tactical Operation Group at Naval Intelligence and Security Unit-74.
Nakumpiska mula sa suspek ang 21 pakete ng heat-sealed transparent sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 352 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php2,393,600.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patunay na nagkakaisa ang mga kapulisan na gampanan at paigtingin ang laban kontra ilegal na droga kaugnay sa programa ng ating pangulo na “Bagong Pilipinas” na naglalayong simulan ang pagbabago tungo sa isang ligtas, mapayapa at drug-free na bansa.
Panulat ni Pat Karen A Mallillin