Nakumpiska ng Iloilo City PNP ang higit Php1 milyong halaga ng ilegal na droga sa isinagawang drug buy-bust operation sa Brgy. Desamparados, Jaro, Iloilo City, nitong ika-2 ng Disyembre 2023.
Kinilala ni Police Colonel Joeresty Coronica, City Director ng Iloilo City Police Office, ang mga nadakip na suspek na sina Alyas “Elong” at Alyas “Stephen”, parehong naitala bilang mga High Value Individual.
Bandang 2:50 ng hapon nang isagawa ang operasyon ng pinagsamang mga operatiba ng Iloilo City Drug Enforcement Unit, Iloilo City Police Station 1, at Iloilo City Police Station 3.
Ayon kay PCol Coronica, agad na inaresto ang mga suspek matapos makipagpalitan ang mga ito ng isang pakete na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu sa halagang Php18,000 sa nagpanggap na poseur buyer.
Nakuha pa sa posesyon ng mga suspek ang limang (5) pakete at isang (1) knot tied plastic sachet na parehong naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, na kung saan lahat ng drogang nakumpiska ay tumitimbang ng 150 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng Php1,020,000.
Dinala naman ang dalawang nahuli sa himpilan ng Iloilo City Police Station 3 para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kasong may kinalaman sa droga.
Samantala, pinuri ni PBGen Sindey N Villaflor, RD PRO6, ang lahat ng operating units sa kanilang tagumpay laban sa ilegal na droga.
Nanawagan din ang PRO6 top cop sa mamamayan sa buong rehiyon upang patuloy na makipagtulungan at makiisa sa mas pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga.
“Sana po ay patuloy po tayong lahat na magtulungan na sugpuin ang ilegal na droga sa rehiyon. Huwag na po tayong maghintay na ang salot na ito ay makapasok pa sa ating bahay. Protektahan po natin ang ating mga anak at mahal sa buhay. Makialam, magbigay-alam para sa mas ligtas na pamayanan at mas magandang bukas”, ani PBGen Villaflor.