Bohol – Nasabat ang mahigit Php1 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa naarestong binatilyo sa drug bust operation ng Panglao Municipal Police Station sa Purok 3, Brgy. Tawala, Panglao, Bohol noong Lunes, Nobyembre 6, 2023.
Kinilala ni Police Captain John Khalev Diel Sanchez, Officer-In-Charge ng Panglao Municipal Police Station ang suspek na si alyas “Cy”, 18, na residente ng Brgy. Tawala, Panglao, Bohol.
Kasunod ng ilang araw na pagmamatyag sa suspek at sa koordinasyon sa PDEA Bohol, nadakip ang suspek matapos nitong mapagbentahan ang isa sa mga miyembro ng mga awtoridad na nagpanggap na poseur buyer.
Nasamsam sa pag-iingat nito ang tinatayang nasa 150 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php1,020,000.
Maliban pa dito, nakuha rin sa kanya ang isang unit ng RealMe cellphone, sling bag na ginamit na lagayan ng droga, isang unit ng Suzuki Raider motorcycle, at ang buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri ni Police Brigadier General Anthony A Aberin, Regional Director ng Police Regional Office 7, ang mga operatiba sa likod ng matagumpay na operasyon na patunay sa masidhi na pagbibigay katuparan ng kampanya kontra ilegal na droga.