Nasabat ang tinatayang Php1,014,424 halaga ng hinihinalang shabu mula sa dalawang indibidwal sa Don Julian Street, Barangay Sasa, Davao City sa isinagawang spot checkpoint na bahagi ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation kaugnay sa pagdiriwang ng Araw ng Davao nito lamang Marso 15, 2025.
Kinilala ni Police Major Marcille M. Manzano, Acting Station Commander ng Sasa Police Station, ang mga suspek na sina alyas “Harvey”, 34 anyos at alyas “Jonnah”, 30 anyos, na pawang mga residente ng Nabunturan, Davao de Oro.
Nakuha mula sa mga suspek ang humigit kumulang 149.18 gramo ng ilegal na droga at ibang non-drug evidence.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pamamagitan ng mga tuloy-tuloy na operasyon, mas pinapalakas ng Police Regional Office 11 ang kampanya laban sa ilegal na droga, isang seryosong isyu na may malaking epekto sa seguridad at kalusugan ng buong komunidad.
Panulat ni Pat Shairra Rose A Aquino