Nasabat ng mga tauhan ng Bacolod Police Station 2 ang higit sa Php1M halaga ng hinihinalang shabu at isang baril sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Sigay, Barangay 2, Banago, Bacolod City nito lamang ika-3 ng Abril 2025.
Ang matagumpay na operasyon ay nagresulta sa pagkakadakip kina alyas “Joshua”, 27-anyos, at alyas “Jobel”, 32-anyos, na kapwa itinuturing na High Value Individual (HVI).
Ayon kay Police Major Eugene G Tolentino, hepe ng Bacolod Police Station 2, nakuha mula sa pag-iingat ng mga suspek ang kabuuang 160 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price na Php1,088,000.
Bukod dito, nasamsam din ang isang caliber .45 pistol at isang loaded magazine na may lamang mga bala.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”, RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at COMELEC Resolution No. 10728 (Gun Ban).
Ang matagumpay na operasyon ng mga kapulisan ay patunay ng kanilang walang humpay na dedikasyon at pagsusumikap sa paglaban sa iligal na droga sa bansa.
Ito rin ay nagsisilbing paalala na sa pamamagitan ng pagtutulungan, makakamtan natin ang mas maliwanag at mas ligtas na kinabukasan para sa ating komunidad.
Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos