Cebu – Bunga ng tuloy-tuloy na pagpapaigting na kampanya kontra ilegal na droga, tinatayang nasa higit Php1.7 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang muling nasamsam ng kapulisan sa inilunsad na buy-bust sa Purok Kapayas, Brgy. San Roque, Talisay City, Cebu noong Martes, Nobyembre 7, 2023.
Kinilala ni PLtCol Wayne Magbanua, Chief of Police ng Talisay City Police Station, ang high-profiled drug target na si alyas “Tagodo”, 24 anyos, residente ng Brgy. Mambaling, Cebu City.
Dakong 10:26 ng gabi ng nailunsad ang operasyon kung saan nakumpiska sa suspek ang droga na tumitimbang ng nasa 255 gramo na may Standard Drug Price na Php1,734,000, isang belt bag na ginamit bilang lalagyan ng droga, buy-bust money, at ang nasa 350-peso cash na umano’y kita sa ilegal na aktibidad.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa isang pahayag, pinuri ni Police Regional Office 7 Regional Director, PBGen Anthony Aberin ang Talisay CPS, gayundin ang lokal na pamahalaan ng lungsod sa kanilang walang humpay na pagsisikap at todong suporta sa kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga.