Bacolod City (December 19, 2021) – Nitong nakaraang Sabado at Linggo ay nagsagawa ng Aerial Inspection ang Hepe ng Pambansang Pulisya na si PGen Dionardo Carlos upang silipin ang naging pinsala ng bagyo sa mga typhoon-affected areas.
Unang nilibot ni PGen Carlos sa kanyang Aerial Inspection ang Panay at Negros islands at dumiretso ito sa Negros Occidental Police Provincial Office upang personal na kumustahin ang kalagayan ng nasasakupan at alamin kung ano ang mga pangangailangan at mga tulong na dapat tugunan para sa nasabing probinsya.
Sa ikalawang araw naman ng kanyang inspection ay nagtungo sya sa Bohol at Cebu kasabay ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang tingnan ang naging pinsala sa lugar at maiparating na din ang tulong ng pulisya.
Inatasan rin ni General Carlos ang mga kapulisan sa mga lugar na dinaanan ng bagyo partikular na sa Visayas na siguraduhing mabibigyan ng tulong ang ating mga kababayan upang mabilis silang makabangon muli, lalo na’t paparating na ang Pasko.
Para kay Carlos, nakalulungkot isipin ang trahedyang dinanas ng ating mga kababayan dahil sa bagyong Odette. Gayunpaman, patuloy na maglilingkod ang hanay ng pambansang pulisya at maghahatid ng agarang tulong at suporta lalong lalo na sa mga kababayan nating lubhang naapektuhan ng pananalasa ng nasabing bagyo.
Naniniwala siyang nariyan pa din ang diwa ng bayanihan at katatagan ng bawat Pilipino anumang hamon sa buhay ang dumaan.
by: Pat Darice Anne Regis
Salamat po Team PNP godbless po