Santa Fe, Nueva Vizcaya – Nakumpiska ang Php894K halaga ng undocumented narra lumber at arestado ang suspek sa magkahiwalay na operasyon ng Nueva Vizcaya PNP nitong Lunes, ika-12 ng Setyembre 2022 sa Santa Fe, Nueva Vizcaya at San Nicolas, Pangasinan.
Kinilala ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office ang suspek na si Angerick Epic, 27, mula sa Cabugao, Apayao.
Ayon kay Police Major Angelo M Dasalla, Chief of Police ng Sta. Fe Police Station, nakatanggap ang kanilang himpilan ng isang report mula sa Cagayan Valley Product Monitoring (CAVAPROM) tungkol sa transportasyon ng mga smuggled lumber na patungo sa isang furniture shop sa probinsya ng Kalinga.
Matapos matanggap ang impormasyon ay agad nagsagawa ng operasyon ang nasabing himpilan kasama ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa pakikipatulungan ng San Nicolas Police Station, Pangasinan Police Provincial Office na nagresulta sa pagkahuli ng suspek at pagkakumpiska sa 1,787.39 board feet na narra lumber.
Dagdag pa ni PMaj Dasalla, inaresto ang suspek habang nakasakay sa puting Toyota Hi Ace Commuter Van na naglalaman ng 804 board feet na hindi dokumentadong narra lumber na nagkakahalaga ng Php402,000.
Bukod pa dito, natagpuan din ng mga operatiba ang isa pang puting Toyota Hi Ace Commuter Van na nakatago sa likod ng Tiffany Restaurant sa Brgy. Villaflores, Sta. Fe, Nueva Ecija.
Kargado ang nasabing van ng 983.39 board feet na hindi dokumentadong narra lumber na nagkakahalaga ng Php491,695. Nahaharap si Epic sa paglabag sa PD 705 o ang Revised Forestry Code of the Philippines habang ang mga nakumpiskang kontrabando ay nai-turn
over na sa DENR Region 2.
Samantala, pinuri naman ni Police Brigadier General Steve B Ludan ang pamunuan ng Sta. Fe PNP sa matagumpay na pagkakahuli sa suspek at pagkakakumpiska sa mga troso.
Pinasalamatan din niya ang komunidad at iba pang ahensya ng pamahalaan sa patuloy na pakikipagtulungan sa Valley Cops sa kanilang kampanya laban sa kriminalidad upang mapanatili ang isang mapayapa at progresibong Lambak ng Cagayan.
Source: Sta. Fe Police Station