Cebu – Tinatayang nasa halos pitong milyong halaga ng shabu ang nakumpiska mula isang E-bike driver na naaresto sa buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit ng Talisay City Police Station sa Purok Maya, Brgy. San Roque, Talisay City, Cebu noong Huwebes, Abril 27, 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Randy Caballes, Chief of Police ng Talisay City Police Station, ang naaresto na si “Noel”, 23, residente ng Sitio Lawis, Brgy. Pasil, Cebu City.
Ayon kay PLtCol Caballes, dakong ala-1:30 ng hapon nang ilunsad ng mga awtoridad ang operasyon laban sa suspek na humantong sa agarang pagkakadakip nito matapos makabili rito ang nagpanggap na poseur buyer ng droga.
Nasamsam mula sa suspek ang nasa 16 na plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 1,020 gramo na may Standard Drug Price na Php6,936,000; isang mint green na backpack; isang unit ng Samsung Cellphone; at ang nagamit na buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay ng mahusay at walang humpay na pagsusumikap ng buong kapulisan upang tuldukan ang problema sa ilegal na droga at maging sa lahat ng kriminalidad sa probinsya at rehiyon.