Iloilo City – Nakumpiska ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Iloilo City PNP ang halos Php1 milyong halaga ng shabu sa ipinatupad na Search Warrant sa Zone 1, Brgy. North Baluarte, Molo, Iloilo City, nitong umaga ng Oktubre 10, 2023.
Subject ng nasabing Search Warrant ang bahay ng suspek na kinilalang si alyas “Noli”, 44 anyos, at residente ng nasabing lugar.
Ang naturang pagsasakatuparan ng Search Warrant ay pinangunahan ni Police Lieutenant Colonel Antonio Benitez Jr., Hepe ng CDEU, kasama ang mga tauhan mula sa ICPS4 CGIGWV, at MARSPTA 6.
Narekober sa isinagawang operasyon ang isang itim na pouch na naglalaman ng labing-anim (16) na plastik sachets ng shabu na may timbang na 120 gramo, at may halagang umaabot sa Php816,000.
Ayon kay PLtCol Benitez, una nang na-monitor sa pamamagitan ng pag-test buy sa subject person sa kanyang sariling kwarto, dahilan upang mag-apply ng Search Warrant.
Ayon pa kay PLtCol Benitez, bago pa man isakatuparan ang Search Warrant, naaresto na ang asawa ng subject person na kinilalang si alyas “Negra” sa isinagawang drug buy-bust operation dakong 5:37 ng umaga sa parehong petsa at lugar, at nakumpiska din ang suspected shabu na nagkakahalaga ng Php34,000.
Sa pagkakasamsam ng ilegal na droga ay agad na nagsagawa ang awtoridad ng “Hot Pursuit Operation” upang madakip ang tumakas na suspek, at matagumpay naman itong nahuli ng mga awtoridad.
Nakakulong na ang nahuling suspek sa Custodial Facility ng Iloilo City Police Station 4 para kaukulang disposyon para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165.
Sa pagtutulungan ng mga awtoridad at aktibong pakikiisa ng mga mamamayan, inaasahan na magiging mas maayos ang kalagayan ng Iloilo City laban sa ilegal na droga.