Nasamsam sa joint anti-illegal drugs operation ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit Php16-milyon halaga ng ecstasy sa Quezon City noong Nobyembre 5, 2021.
Ayon sa National Capital Region Police Office, umabot sa 9,948 ecstasy tablets na nagkakahalaga ng Php16,911,600 ang narekober sa controlled delivery operation sa kahabaan ng BMA Street corner Batulao Street sa Barangay Tatalon.
Arestado ang suspek na si Elisha Mae llas.
Ang naturang operasyon ay isinagawa ng PDEA Regional Office 3; Clark Inter-Agency Drug Interdiction Task Group; PDEA-SIU SBMA; PDEA-SIU Bataan; PDEA-NCR; Quezon City Police District; at ng Bureau of Customs, Port of Clark.
Nahaharap si Ilas sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, pinapurihan ni PNP Chief, PGen Guillermo Lorenzo T Eleazar ang matagumpay na operasyon ng PNP at PDEA.
“I commend our law enforcers who have successfully stopped the proliferation of these ecstasy tablets worth nearly Php17-million. Dahil sa maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya, napigilan ang pagkalat ng mga ecstasy tablets na ito sa Quezon City at sa ibang bahagi ng Metro Manila,” ani PGen Eleazar.
Inatasan na rin ng hepe ang mga kapulisan na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon upang matukoy kung saang grupo o sindikato kabilang ang suspek para mahuli ang iba pang mga kasabwat.
###
Panulat ni: Police Corporal Josephine T Blanche